Magkasama kaming naglalakad ng anak ko papunta sa eskuwelahan niya. Malamig at mahamog nang umagang iyon kaya naman natutuwa kami sa parang usok na lumalabas sa aming bibig kapag humihinga. Napakagandang alaala namin iyon ng anak ko. Nagpapasalamat ako sa panahong iyon at sa pakiramdam na masayang mabuhay.
Sa pagkatuwa namin na makita ang aming hininga na parang usok, naisip ko ang Dios na ating Manlilikha na siyang pinagmumulan ng ating hininga at buhay. Pagkatapos naman likhain ng Dios si Adan sa pamamagitan ng alabok sa lupa, “hiningahan Niya sa ilong [si Adan] ng hiningang nag-bibigay-buhay. Kaya ang tao ay naging buhay na nilalang” (GENESIS 2:7 ASD). Lahat ng bagay ay galing sa Dios at maging ang ating paghinga.
Minsan, kahit alam nating sa Dios galing ang ating buhay, nakakalimutan natin ito. Naaakit tayo sa ganda ng buhay na mayroon tayo dahil sa magaan nating pamumuhay dulot ng mga makabagong teknolohiya. Pero kung aalalahanin natin ang ating Manlilikha, mas gaganda ang ating pananaw sa mga nangyayari sa atin araw-araw. Mas magiging mapagpasalamat din tayo. Magtiwala tayo sa Dios at magpasalamat sa buhay na ibinigay Niya sa atin nang may pagpapakumbaba. Nawa’y maimpluwensiyahan natin ang iba na maging mapagpasalamat din sa Dios sa Kanyang kabutihan at katapatan sa atin.