Naglalaro ako ng basketball noong nasa kolehiyo ako. Pursigido ako na sundin at ipagkatiwala sa aming coach ang pagtuturo sa amin para maging maayos ang aming paglalaro.

Hindi makakabuti sa aming koponan kung magsasabi ako ng ganito: “Nandito na ako, coach. Gusto kong maglaro ng basketball pero ayaw kong gawin ang sinasabi mo na tumakbo nang paulit-ulit at dumipensa. Ayaw kong pinagpapawisan!”

Lahat ng mga mahuhusay na manlalaro ay lubos na nagtitiwala sa kanilang coach sa anumang nais ipagawa nito para sa ikabubuti ng buong koponan.

Ang mga sumasampalataya naman sa Panginoong Jesus ay ipinagkakatiwala sa Dios ang kanilang buhay bilang isang buhay na handog (ROMA 12:1). Kaya, masasabi ng mga mananampalataya, “Panginoong Jesus, nagtitiwala po ako sa Inyo. Handa po akong gawin ang anuman pong naisin N’yo.” Nais ng Dios na “hayaan [natin] Siyang baguhin [tayo] sa pamamagitan ng pagbabago ng [ating mga] isip para malaman [natin] ang kalooban ng Dios...at ang kalugod-lugod sa Kanyang paningin” (TALATANG 2 ASD).

Hindi tayo hahayaan ng Dios na gawin ang isang bagay na hindi natin makakaya. Sa halip, ihahanda Niya tayo at bibigyan ng kakayahan para magawa ang nais Niya. Ipinapaalala ni Pablo na apostol ni Jesus, “Iba’t iba ang kakayahang ibinigay sa atin ng Dios” (TALATANG 6 ASD).

Maipagkakatiwala natin sa Dios ang ating buhay sapagkat tapat Siya at lubos na mapagkakatiwalaan. Siya ang lumikha sa atin at alam Niya kung paano tayo tutulungan sa ating mga pinagdaraanan.