Isipin natin kung magbibiyahe tayo nang wala man lang dala na kahit ano. Walang pera o pampalit na damit. Parang nakakatakot dahil hindi natin alam ang mangyayari sa atin.
Pero iyon mismo ang nangyari sa mga alagad ni Jesus. Inutusan noon ni Jesus ang Kanyang mga alagad na pagalingin ang mga may sakit at ipahayag ang tungkol sa pagliligtas na gagawin ng Dios. Bilin ni Jesus, “Huwag kayong magdadala ng anuman sa inyong paglalakbay kahit pagkain, pera o bag, maliban sa isang tungkod. Puwede kayong magdala ng sandalyas pero huwag kayong magdala ng bihisan” (MARCOS 6:8-9 ASD).
Pero may pangyayari naman na bago ipako sa krus si Jesus, sinabi Niya sa Kanyang mga alagad, “Kung may pitaka o bag kayo, dalhin ninyo. At kung wala kayong espada, ipagbili ninyo ang damit ninyo at bumili kayo ng espada” (LUCAS 22:36 ASD).
Ano ang nais nitong iparating? Nais ng Dios na magtiwala tayo sa Kanya ukol sa ating mga pangangailangan.
Nang natapos naman ng mga alagad ang iniutos sa kanila ng Panginoong Jesus, tinanong sila ni Jesus, “Noong suguin Ko kayo nang walang dalang pitaka, bag o sandalyas, kinulang ba kayo? Sumagot sila, Hindi po” (LUCAS 22:35 ASD). Ibinigay ng Dios sa mga alagad ang lahat ng pangangailangan nila nang sa gayon magawa nila ang nais ng Dios na gawin nila (MARCOS 6:7).
Nagtitiwala ba tayo sa Dios na kaya Niyang ibigay ang ating mga pangangailangan? Ginagampanan ba natin nang maayos at may kahandaan ang mga ipinapagawa Niya? Magtiwala na tutulungan tayo ng Dios sa anumang ninanais Niyang ipagawa sa atin.