Payo ng kaibigan ko sa mga nagnanais maglaan ng kanilang pera sa negosyo, “Umasa na lalago ang negosyo pero ihanda ang sarili kung sakaling malugi naman ito.” Hindi natin matitiyak ang magiging bunga o resulta ng mga ginagawa nating desisyon sa buhay. Pero kung naglilingkod tayo sa Panginoon bilang mga nagtitiwala sa Kanya, hindi masasayang ang ating mga pinagpaguran kahit gaano ito kahirap.
Nahihirapan naman si Pablo na apostol ni Jesus noon sa lugar ng Corinto. Kilala ang lugar na iyon sa pagiging imoral. Isang taon niyang tinuruan ang mga nagtitiwala kay Jesus doon. Pero nang umalis si Pablo sa Corinto, sinulatan niya sila para hikayatin na huwag panghinaan ng loob at huwag iisipin na walang saysay ang kanilang buhay o ginagawa para kay Jesus. Pinalakas pa ni Pablo ang loob nila sa pagsasabi na tiyak na babalik ang Panginoong Jesus at magtatagumpay maging sa kamatayan (1 CORINTO 15:52-55).
Maaaring magdulot ng kahirapan, kabiguan at panganib sa ating buhay ang ating pagtitiwala kay Jesus. Pero makakaasa naman tayo na hindi masasayang ang ating mga ginagawa para kay Jesus. Kung mamumuhay tayo na kasama si Jesus at ipinapahayag sa iba ang tungkol sa kapangyarihan at kabutihan ng Dios, maaasahan natin na tiyak na hindi mawawalan ng saysay ang ating mga ginagawa.