Maraming taon na ang lumipas nang mamingwit kami ng kaibigan ko. Habang namimingwit ay bigla namang umulan. Sumilong kami sa mga puno. Nang sa palagay namin na hindi titigil ang ulan, nagpasya kami na umuwi na lang. Tumakbo kami papunta sa aming sasakyan. Pagbukas ko ng pintuan ng sasakyan, nakita ko na bigla na lang kinidlatan ang mga puno kung saan kami sumilong. Napakalakas ng pagkulog at pagkidlat na nagpaapoy sa ilang mga puno. Pagkatapos ng ilang sandali ng mangyari iyon, tumahimik ang paligid. Natakot kami pero namangha sa aming nakita.
Madalas na magkaroon ng kulog at kidlat sa lugar namin sa Idaho na nasa bansang Amerika. Gustong-gusto ko ang kulog at kidlat kahit na muntikan pa kami nitong tamaan. Humahanga ako sa lakas ng kidlat at sa dagundong ng kulog. Nakakahanga pero nakakatakot din naman ang mga iyon. Apektado ang lahat sa paligid kung saan kumulog at kumidlat pero pumayapa naman agad pagkatapos.
Nagustuhan ko ang kulog at kidlat dahil sinisimbolo nito ang tinig ng Dios (JOB 37:2-4). Kahanga-hanga at makapangyarihan ang Salita ng Dios. “Ang tinig ng Panginoon ang nagpapakidlat...ang Pangioon ang nagbibigay ng kalakasan sa Kanyang mga mamamayan at pinagpapala Niya sila ng mabuting kalagayan” (AWIT 29:7,11). Malalaman natin sa mga talatang ito na binibigyan tayo ng Dios ng lakas para maging matiyaga, mapagpasensya, maging mabait sa kapwa at maging panatag ang loob.
Sumainyo nawa ang kapayapaan ng Dios.