Si Evelyn Waugh ay isang manunulat na taga England. Makikita sa kanyang mga isinusulat ang hindi niya magandang pag-uugali. Kahit naging relihiyoso siya, hindi pa rin nababago ang masama niyang pag-uugali. Minsan, may nagtanong kay Evelyn kung bakit ganoon ang ugali niya sa kabila ng pagiging relihiyoso niya. Sinabi naman ni Evelyn, “Tama kayo sa sinabi ninyo tungkol sa masama kong pag-uugali. Pero kung hindi po ako naging relihiyoso, mas masahol pa ako sa hayop.”
Naranasan din naman ni Pablo na apostol ni Jesus ang mga naranasan ni Evelyn. Sinabi ni Pablo, “Kahit gusto kong gumawa ng mabuti, hindi ko ito magawa” (ROMA 7:18 ASD). Sinabi pa niya, “Alam natin na ang Kautusan ay mula sa Banal na Espiritu. Pero...alipin [ako] ng kasalanan” (TAL. 14 ASD). Idinagdag pa ni Pablo, “Sa kaibuturan ng aking puso, nalulugod ako sa Kautusan, pero may... kumikilos sa aking pagkatao na sumasalungat sa pagsunod ko sa Kautusan...Sino ang magliligtas sa akin sa makasalanan kong pagkatao?” (TAL. 22-24 ASD). Sinagot din ni Pablo ang tanong na iyon, “Salamat sa Dios, Siya ang magliligtas sa akin sa pamamagitan ni Jesu-Cristo” (TALATANG 25 ASD).
Kung magtitiwala tayo kay Jesus, magsisisi at aaminin na kailangan nating mailigtas sa kaparusahan sa kasalanan, magkakaroon tayo ng bagong buhay. Pero hindi agad maaalis ang mga pangit nating pag-uugali. Unti-unti itong nababago habang sumusunod tayo kay Jesus. Sinabi naman ni Juan na apostol ni Jesus, “Mga minamahal, mga anak na tayo ng Dios...Alam natin na sa pagbabalik ni Cristo, tayo ay magiging katulad Niya dahil makikita natin kung sino talaga Siya” (1 JUAN 3:2 ASD).