May mga kuwento sa Biblia na minsan ay napapaisip tayo. Halimbawa nito ang nangyari noong naglalakbay ang mga Israelita sa pamumuno ni Moises. Pumunta sila sa lugar na ipinangako ng Dios sa kanila. Sinugod sila ng kanilang mga kaaway at umakyat naman si Moises sa isang burol at itinaas niya ang kanyang tungkod (EXODO 17:8-15). Sino ang mag-iisip na makakatulong ang pagtataas niya ng tungkod sa labanan? Hindi natin iyon alam pero sa pamamagitan ng Biblia nalaman natin na sa tuwing itinataas ni Moises ang Kanyang tungkod, nananalo sila sa labanan at natatalo kapag ibinababa. Nang napagod na si Moises sa pagtataas ng tungkod, inalalayan siya ni Aaron na kanyang kapatid at ni Hur na kapwa niya Israelita para itaas ang tungkod hanggang sa manalo sila sa labanan.
Hindi masyadong kilala si Hur, pero malaki ang nagawa niyang tulong sa bansang Israel. Hanggang ngayon, may mga taong tulad ni Hur na kahit hindi man kilala, malaki ang ginagampanang paglilingkod sa Dios. Halimbawa nito ang mga taong tumutulong at nagpapalakas ng loob sa mga lider. Madalas ang mga lider ang nakikilala at hindi naman napapansin ang mga sumusuporta sa lider. Pero nakikita naman ng Dios ang mga ginagawa nila. Nakikita ng Dios ang mga maliliit na bagay na ginagawa natin para sa Kanya.
Kahit na napakasimple ng ginagawa nating paglilingkod para sa Dios, gagamitin pa rin Niya iyon para matupad ang Kanyang ninanais. Pasalamatan natin ang mga taong naglilingkod at tumutulong sa atin, hindi man sila kilala o kapansin-pansin ang mga ginawa nila.