Minamahal ng Dios ang lahat ng nagtitiwala sa Kanya nang higit sa ginagawa nilang paglilingkod.
Marami sa atin ang nagnanais na mapaglingkuran ang Dios. Totoo na gusto ng Dios na magtrabaho tayo para sa ating pamilya. Nais Niya na pamahalaan natin ang Kanyang mga nilikha. Inaasahan din ng Dios na paglingkuran natin ang ating kapwa. Sila ang mga taong mahihina, nagu-gutom, nauuhaw, walang maisuot at dumaranas ng kabiguan. Ninanais din ng Dios na bigyang-pansin natin ang mga taong hindi pa nagtitiwala kay Jesus.
Pero kahit gaano man karami ang ating ginagawa, minamahal tayo ng Dios nang higit sa ating ginagawa para sa Kanya.
Dapat lagi nating alalahanin ang katangiang ito ng Dios. Maaari kasing dumating ang panahon na hindi na natin Siya kayang paglingkuran dahil sa ating karamdaman, pagkabigo o sa mga ’di inaasahang pangyayari. Ito ang panahon na nais ng Dios na alalahanin natin na minamahal Niya tayo hindi dahil sa ating mga ginagawa para sa Kanya. Sa halip, minamahal Niya tayo bilang Kanyang mga anak. Itinuturing na tayong anak ng Dios sa sandaling magtiwala tayo kay Jesus bilang ating Tagapagligtas sa kaparusahan sa kasalanan.
“Walang pagsubok, paghihirap, pag-uusig, gutom, kawalan, panganib, o maging kamatayan” ang makakapaghiwalay sa mga anak Niya, “sa pag-ibig ng Dios na ipinakita sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus” (ROMA 8:35, 39 ASD).
Kung darating man ang panahon na wala na tayong kakayahan o lakas, marahil iyon na ang panahon para magpahinga at namnamin ang pagmamahal ng Dios.