Noong 2015, namatay si Jeralean Talley sa edad na 116 taon. Siya ang naitala noon na pinakamatandang tao na nabubuhay sa mundo. Noong 1995 naman ipinagdiwang ng mga taga Jerusalem ang 3,000 taon ng pagkakatatag ng kanilang bansa. Pero kung sa tagal lang ng taon ang pag-uusapan, may isang puno na matatagpuan sa California na higit 4,800 taon nang nabubuhay. Mas matanda pa ito kay Abraham na binanggit sa Biblia.
Ipinahiwatig naman ni Jesus sa mga Judio noon na mas nauna pa Siya kay Abraham. Sinabi ni Jesus, “Sinasabi Ko sa inyo ang katotohanan, bago pa ipanganak si Abraham ay Ako Nga.” (JUAN 8:58 NPV). Nang marinig ng mga Judio ang sinabing iyon ni Jesus, nagulat sila. Alam kasi ng mga Judio na hindi tinutukoy ni Jesus ang tungkol sa Kanyang edad kundi ang pagiging Dios Niya. Ang pagsasabi ni Jesus ng ‘Ako Nga’ ay pagpapahiwatig na Siya mismo ang Dios sapagkat iyon mismo ang tawag ng Dios sa Kanyang sarili (TINGNAN ANG EXODO 3:14). May karapatan si Jesus na gamitin ang pangalan ng Dios sapagkat Siya mismo ang Dios.
Pumarito ang Dios sa mundo na nalilimitahan ng oras kahit na hindi Siya nasasakop ng panahon. Nais kasi Niya na makasama sa walang hanggan ang lahat ng magtitiwala sa Kanya. Natupad iyon nang mamatay at muling nabuhay si Jesus alang-alang sa atin. Sa pagsasakripisyo ni Jesus, mararanasan natin ang buhay na hindi nasasakop ng panahon. Makakasama natin ang Dios sa walang hanggan. Sinabi ni Jesus, “Ito ang kahulugan ng buhay na walang hanggan: ang makilala ang [Dios] ng mga tao na Ikaw lang ang tunay na Dios at makilala rin nila Ako na isinugo Mo” (JUAN 17:3 ASD).