Nang bumalik si Edward Klee sa Berlin, Germany pagkalipas ng maraming taon, malaki na ang pinagbago ng lungsod na kinalakihan niya. Maging siya raw mismo ay malaki na ang pinagbago. Sinabi ni Edward, “Kung babalik ka sa isang lugar na mahalaga sa iyo, maaaring hindi mo alam kung ano ang aasahan mo. Pero malamang malulungkot ka.” May mga pagbabagong nangyayari sa atin, gayon din sa mga lugar na naging mahalaga sa atin noon. Ang mga pagbabago sa isang lugar na mahalaga sa atin ay maaaring magdulot ng kalungkutan pagbalik natin doon.
Maraming taon namang hindi nakabalik si Nehemias sa bansang Israel sapagkat bihag siya ng ibang bansa. Nabalitaan niya na ang bansang kanyang kinalakihan ay wasak pa. Pinayagan ng hari ng Persia si Nehemias na makabalik sa Israel para itayong muli ang wasak nilang pader. Buong gabing inobserbahan ni Nehemias ang kalagayan ng Jerusalem (NEHEMIAS 2:13-15 ASD). Pagkatapos nito, sinabi ni Nehemias sa mga Israelita, “Nakita n’yo ang nakakaawang kalagayan ng lungsod natin. Giba ang Jerusalem at sunog ang mga pintuan nito. Muli nating itayo ang pader ng Jerusalem para hindi na tayo mapahiya” (TALATANG 17 ASD).
Hindi bumalik si Nehemias sa Israel para magmunimuni sa nakaraan. Sa halip, para muling itayo ang gibang pader ng lungsod. Napakagandang paalala ito sa atin sa tuwing naaalala natin ang mga nakaraan sa ating buhay.