May nabasa ako tungkol sa ginagawa ng isang ina para sa kanyang mga anak. May batas sa bahay nila na laging maglalaan ng limang minuto bago ang oras ng pag-alis nila ng bahay.
Kapag magkakasama na sila, isa-isang idinadalangin ng ina ang kanyang mga anak para gabayan at pagpalain ng Dios ang araw na iyon. Pagkatapos manalangin, isa-isa niyang hahalikan ang mga anak at ihahatid sa kanilang pagpasok. Nakakasama rin minsan sa pananalangin ang mga kabataan na kanilang kapitbahay kapag napapadaan ito sa kanila. Makalipas ang maraming taon, sinabi naman ng isang kabataan na nakakasama sa pananalangin na natutunan niya ang kahalagahan ng pananalangin dahil doon.
Alam din ng sumulat ng Awit 102 ang kahalagahan ng pananalangin. Sinabi niya, “Panginoon, pakinggan Nʼyo ang aking dalangin. Ang paghingi ko sa Inyo ng tulong ay Inyong dinggin. Sa oras ng aking paghihirap ay huwag sana Kayong magtago sa akin. Pakinggan Nʼyo ako at agad na sagutin” (TAL. 1-2 ASD). Makakaasa naman tayo sa Dios dahil, “Mula sa Kanyang banal na lugar sa langit, tinitingnan ng Panginoon ang lahat sa mundo” (TAL. 19 ASD).
Nagmamalasakit sa atin ang Dios at lagi Siyang handang makinig sa ating mga dalangin. Nais ng Dios na kausapin natin Siya. Limang minuto man o higit pa para maiiyak natin ang mga paghihirap na ating nararanasan. May malaking epekto sa ating pamilya at sa iba ang ginagawa nating halimbawa sa kanila.