Nang minsang bumisita ako sa bahay ng aking kapatid, sabik na ipinakita sa akin ng mga pamangkin ko ang bagong sistemang ipinapatupad sa kanilang bahay. Nagkakaroon sila ng puntos kapag nagawa nila ang kanilang gawaing bahay at nababawasan naman sila ng puntos kapag hindi nila ito ginawa bilang parusa. Gagantimpalaan naman ang makakakuha ng pinakamataas na puntos. Dahil sa sistemang ito, ginanahan ang mga pamangkin ko na gawin ang mga tungkulin nila sa bahay.
May ginawa rin ang Dios na maguudyok sa atin para sundin Siya. Ipinangako Niya na bibigyan Niya tayo ng buhay na ganap kung susunod tayo sa Kanya (JUAN 10:10). Napakahirap mang sumunod sa Kanya, hindi naman matutumbasan ang kasiyahang mararanasan natin sa langit kasama Siya (MARCOS 10:29-30).
Nakakatuwang isipin na ang Dios na pinaglilingkuran natin ay lubos na mapagbigay. Ibinibigay Niya ang higit pa sa nararapat para sa atin at hindi Niya naman ibinibigay ang parusang karapat-dapat nating danasin. Nauna man tayo o nahuli na sumunod sa Kanya, maluwag niyang tatanggapin ang mga paglilingkod natin at gagantimpalaan Niya tayo dahil sa mga ito (TINGNAN ANG MATEO 20:1-16). Ito rin nawa ang mag-udyok sa atin upang maging bukal sa ating puso ang paglilingkod sa Kanya.