Hindi ko mapigilang basahing muli ang talaarawang gamit ko noong nasa kolehiyo pa ako. Habang binabasa ko ito, napagtanto ko na malaki na ang ipinagbago ko ngayon kumpara sa dati. Napakahirap kasi para sa akin noon ang mga dinaranas kong lungkot at pag-aalinlangan sa aking pananampalataya. Pero habang binabalikan ko ang mga dating pangyayari, mas naging malinaw sa akin na tinulungan ako ng Dios para mas maging maayos ang kalagayan ko ngayon. Ipinaalala rin nito sa akin na ang mga bagay na mahirap para sa atin ngayon ay magiging bahagi ng pagsasaayos ng Dios sa atin sa darating na panahon.
Mababasa naman sa Awit 30 ang pagbabalik-tanaw at pagpapasalamat ni Haring David sa ginawang pagsasaayos sa kanya ng Dios. Pinagaling siya ng Dios mula sa kanyang sakit, iniligtas mula sa kamatayan, pinawi ang kanyang kalungkutan at pinagpala (TAL. 2-3,11).
Si David ang sumulat ng malaking bahagi ng aklat ng Awit at ang ilan sa mga iyon ay hango sa mapapait niyang karanasan. Sa kabila ng kanyang mga pagdurusa, naranasan niya ang pagtulong ng Dios kaya’t nasabi niyang, “Maaaring sa gabi ay may pagluha, pero pagsapit ng umaga ay may ligaya” (TAL. 5). Naranasan niya ang makapangyarihang pagliligtas ng Dios.
Sa tuwing nalulumbay tayo, alalahanin natin ang mga panahong tinulungan tayo ng Dios sa ating mga problema. Magtiwala tayo na muli Niya tayong tutulungan sa mga panibagong hamon na ating haharapin.