Nakasanayan na ng aking ina at ng mga kapatid niyang babae ang magbigay ng sulat sa isa't isa. Kahit unti-unti nang nakakalimutan ang pagsusulat ng liham sa panahon ngayon, linggo-linggo silang nagbibigayan ng sulat sa bawat isa. Ang laman ng sulat nila ay ang iba't ibang pangyayari sa kanilang buhay tulad ng mga kasiyahan at problema.
Isang magandang paalala para sa akin ang magandang gawi nilang ito. Ipinaalala nito ang sinabi ni apostol Pablo na ang mga taong sumusunod sa Dios ay “mga sulat mula kay Cristo na hindi nakasulat sa pamamagitan ng tinta, kundi isinulat ng Espiritu ng Dios na buhay” (2 COR. 3:3). Kahit may mga nais sumalungat sa mensahe ni Pablo (TINGNAN ANG 2 COR. 11), ipinagpatuloy pa rin niya ang panghihikayat sa mga taga Corinto na sumunod sa tunay at buhay na Dios. Nalalaman kasi niya na ang buhay ng mga mananampalataya ay mistulang sulat na magpapakita sa iba ng kanilang bagong buhay kay Cristo.
Sa pamamagitan ng Espiritu ng Dios na kumikilos sa ating buhay, ang kuwento natin ay magiging kuwento ng kagandahang loob at pagliligtas ng Dios. Kung paanong makahulugan ang sinasabi natin sa sulat, ang buhay mismo natin ay magsisilbing makahulugan kung makikita sa atin ang kahabagan, paglilingkod, pagpapasalamat at kagalakan. Mas makapangyarihan itong patunay ng kabutihang-loob ng Dios na ating natanggap kaysa alinmang nakasulat gamit ang tinta. Maipapakilala natin sa iba ang tunay na Dios sa pamamagitan ng ating mga sinasabi at ginagawa. Anong sulat ang hatid mo para sa iba?