Noong bisperas ng bagong taon, dumalo ako sa pagtitipon naming sumasampalataya kay Jesus. Habang pinagmamasdan ko ang mga naroon, naalala ko ang pagtugon ng Dios sa mga problemang nararanasan ng bawat isa. Sama-sama kaming nagdalamhati noon dahil sa mga napariwarang anak, mga namatayan, mga nawalan ng trabaho at ang mga nasira ang relasyon. Sa kabila ng mga iyo’y naranasan namin ang biyaya ng Dios. Nasaksihan namin ang mga pusong binago Niya at ang mga inayos na relasyon. Ipinagdiwang namin ang mga ikinasal, mga nagsipagtapos ng pag-aaral, mga nagpabautismo at iba pa.
Sa pagbubulay ko ng mga naranasan naming iyon, para akong tulad ni Jeremias na inaalala ang mga pinagdaanan niyang pagsubok (PANAGHOY 3:19). Tulad ni Jeremias, naniniwala akong hindi kami pinabayaan ng Dios na manatili sa lugmok na kalagayan dahil minamahal at pinagmamalasakitan Niya kami (TAL. 22).
Ang ipinakita namang katapatan ng Dios sa mga nagdaang panahon ang nagpatatag kay Jeremias. Sinabi niya, “Mabuti ang Panginoon sa mga nagtitiwala’t umaasa sa Kanya” (TAL. 25 asd). Nagpatatag din ito sa akin ng loob.
Naipakita sa buhay ng mga kasama kong mananampalataya ang pagmamahal ng Dios na kayang bumago ng buhay. Maaasahan nating tutulungan tayo ng Dios sa pagharap sa pagsubok bilang bahagi ng pamilya Niya. Patuloy nawa tayong maglaan ng oras para sa Dios at tumulong sa kapwa mananampalataya. Sa gayon, tulad ni Jeremias, titibay ang pagtitiwala natin sa Dios na hindi nagbabago’t laging maaasahan.