Habang naglalakad ako sa gilid ng gusali ng aming opisina, napansin ko ang isang magandang bulaklak. Tumubo ito sa bitak ng sementadong lugar. Kahit na hindi akma kung saan nakatanim ang bulaklak, makikita na matibay at malago ito. Napansin ko rin na nakatanim ito kung saan tumutulo ang tubig na galing sa isang aircon ng aming opisina. Kaya, kahit hindi maayos ang kalagayan ng bulaklak, nakakatanggap naman ito ng tubig mula sa itaas para patuloy na mabuhay.
May pagkakataon din naman na hindi maayos ang kalagayan o humaharap sa mga pagsubok ang mga sumasampalataya kay Jesus. Pero kung magtitiwala at susunod tayo kay Jesus, mapagtatagumpayan natin ito. Maaaring hindi pabor sa atin ang ating kalagayan at nakakapanghina ng loob ang mga mabibigat na problema. Gayon pa man, kung patuloy tayong magtitiwala sa Dios, titibay at lalago rin tayo na tulad ng bulaklak.
Naranasan din ni apostol Pablo ang humarap sa matitinding pagsubok at paghihirap. Pero nagpatuloy siya at hindi sumuko (2 CORINTO 11:23-27). Sinabi ni Pablo, “Patuloy akong nagsusumikap para makamtan…ang layunin ni Cristo Jesus nang tawagin Niya ako. Nagpapatuloy ako hanggang makamtan ko ang gantimpala” (FILIPOS 3:12, 14).
Naunawaan ni Pablo na magagawa niya ang lahat ng bagay sa pamamagitan ni Jesus na nagbibigay sa kanya ng kalakasan (FILIPOS 4:13). Kaya naman, magagawa rin nating magpatuloy sa pagharap sa mga pagsubok sa tulong ng Dios na nagbibigay sa atin ng lakas.