Minsan, pumunta kami ng kaibigan ko sa Empire State Building sa Amerika. Kung titingnan mo sa malayo, maiksi lang ang pila para makapasok sa gusali. Pero nang pumasok na kami, napakahaba pala ng pila.
Inaayos nang mabuti ng mga namamahala sa mga sikat na lugar o pasyalan ang pila ng mga tao nang sa gayon ay magmukhang maiksi lang ang pila. Pero mabibigo ka lang sa pag-aakala na maiksi lang ito.
Minsan naman, mas malala ang dulot ng kabiguan sa buhay. Umaasa tayo sa trabaho na akala natin na tanggap na tayo, pero hindi naman pala. Mga kaibigan na pinagkatiwalaan natin pero binigo naman tayo. Ang ating kasintahan na sinasabi natin na siya na ang forever, pero hindi naman nagkatuluyan.
Gayon pa man, ipinapaalam sa atin ng Salita ng Dios na makakasumpong tayo ng pag-asa sa Dios sa kabila ng mga kabiguan. Sinabi ni Apostol Pablo, “Dumaranas tayo ng mga paghihirap dahil natututo tayong magtiis. Alam natin na ang pagtitiis ay nagpapabuti sa ating pagkatao. At kung mabuti ang ating pagkatao, may pag-asa tayo na makakabahagi tayo sa kadakilaan ng Dios. At hindi tayo mabibigo sa ating pag-asa dahil ipinadama ng Dios sa atin ang Kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ibinigay Niya sa atin” (ROMA 5:3-5).
Bilang mga nagtitiwala kay Jesus, ipinapaalam sa atin ng Dios sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na tayo’y minamahal Niya anuman ang mga kabiguan na ating dinaranas. Sa mundong ito, tiyak na makakaranas tayo ng mga kabiguan pero manangan tayo sa Dios na siyang nagbibigay ng tunay na pag-asa.