Minsan, habang nasa isang silid-aralan, pagalit na nagbigay ng komento ang isang estudyante sa sinabi ng kanyang guro. Nagulat ang ibang mga estudyante sa pangyayari. Nagpasalamat na lang ang guro sa komento ng estudyante at nagtanong na ng iba. Pagkatapos ng klase, tinanong ang guro kung bakit hindi siya nagsalita sa pagalit na komento ng estudyante. Tugon naman nito na sinasanay niya ang kanyang sarili na maging mapagpakumbaba.
Minamahal at pinararangalan ng gurong iyon ang Dios. Nais ng guro na makita sa kanya ang kababaang-loob na nagpapahayag ng kanyang pagmamahal sa estudyante. Sa sinabi ng guro, naalala ko ang sinabi ng Mangangaral sa Lumang Tipan ng Biblia.
Kahit na hindi tungkol sa kung paano natin haharapin ang isang nagagalit na tao ang itinuturo ng Mangangaral, itinuturo naman niya na kung kakausapin natin ang Dios ay kailangan nating maging maingat sa mga salitang ating sasabihin. Kung gagawin natin iyon, pinararangalan natin ang Dios at itinuturing natin na Siya ang Dios na lumikha sa atin (MANGANGARAL 5:1-2).
Paano mo kinakausap ang Dios? May kapakumbabaan ba ang pagtawag mo sa Kanya? Kung gusto mong baguhin ang paraan ng pakikipag-usap mo sa Dios, subukan mong pagbulayan ang kadakilaan Niya sa Kanyang mga ginawa. Pagbulayan natin ang Kanyang karunungan, kapangyarihan at pagkilos Niya sa ating buhay. Sa gayon, mamamangha tayo sa Kanyang ipinapadamang pagmamahal sa atin. Kung magpapakumbaba tayo, hindi na natin kailangang ipakita na mas mahusay tayo.