Umalma ang gobyerno ng bansang Italy nang baguhin ng isang kumpanya na gumagawa ng patalastas ang larawan ng estatwa ni Haring David. Makikita kasi sa larawan na baril ang hawak ni David sa halip na tirador. Sinabi ng isang opisyal na isang krimen ang ginawa ng kumpanya at parang pinukpok na rin nila ng martilyo ang estatwa ni David.
Kilala si Haring David bilang pastol at kumakatha ng mga awit. Isa rin siyang sundalo at magiting na hari ng Israel. Sinabi naman ng mga propeta na manggagaling sa lahi ni David ang tatalo sa mga kaaway ng Israel. Kaya naman, makalipas ang ilang daang taon, inaasahan ng mga Israelita na pangungunahan sila ni Jesus na Anak ni David para makalaya sila sa pananakop ng mga Romano (MATEO 21:6-9). Pero iba ang ginawa ni Jesus. Pinalayas Niya ang mga taong nagtitinda sa tapat ng templo at itinumba ang mga mesa nito.
Ginawa iyon ni Jesus para linisin ang tahanan ng Kanyang Ama na dapat sana ay lugar kung saan makakapanalangin ang mga tao. Nagalit ang mga pinuno ng Israel. Para sa kanila, hindi si Jesus ang Haring hinirang at Anak ni David na kanilang hinihintay. Kaya naman, ipinapatay nila si Jesus sa mga Romano. Ipinako ang kamay at paa ni Jesus sa krus na siyang tunay na kaluwalhatian ng bansang Israel.
Hinayaan naman sila ni Jesus at inialay ang Kanyang buhay sa krus. Tanging sa pagkabuhay na muli ni Jesus nahayag sa mga Israelita na Siya nga ang tunay na Anak ni David. Tinalo ni Jesus ang Kanyang mga kaaway sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagmamahal at itinuring na Kanyang mga anak ang lahat ng magtitiwala sa Kanya.