Minsan, nagkakaroon ng malaking pagbabago sa ating buhay dahil sa impluwensiya ng iba. Nangyari ito sa buhay ng sikat na mang-aawit na si Bruce Springsteen. Sinabi ni Bruce, “Maaari mong mabago ang buhay ng isang tao sa loob ng 3 minuto sa pamamagitan lamang ng nilalaman ng iyong kanta.”
Tulad ng makabagbag-damdaming awitin, makakapagbigay din naman ng pag-asa ang ating mga sasabihin sa iba. At maaari ding mabago ang buhay nila. Lahat tayo ay may karanasan na maikukuwento tungkol sa pagbabagong nangyari sa atin dulot ng impluwensiya ng iba. Maaaring may sinabi ang iyong guro na bumago ng iyong pananaw sa buhay. Maaari din namang mga salitang nagpalakas ng iyong loob o mahinahong pagpapayo ng isang kaibigan sa panahon ng iyong kabiguan.
Binibigyang-diin naman ng sumulat ng Kawikaan na maging maingat sa ating mga sinasabi sa iba. Itinuturo sa atin ng Salita ng Dios na ang ating mga salitang sinasabi sa iba ay maaaring magdulot ng maganda o pangit sa buhay nila (KAWIKAAN 18:21). Magagawa nating pahinain ang loob ng iba sa ilang salita na ating sasabihin. Pero maaari din naman nating mapalakas o mabago ang buhay ng iba sa mga salitang nagbibigay ng magagandang payo at pag-asa.
Hindi lahat sa atin ay may kakayahan na lumikha ng awiting nakapagbibigay ng pag-asa. Pero maaari tayong humingi ng tulong sa Dios na bigyan tayo ng karunungan para matulungan natin ang iba sa pamamagitan ng ating mga sinasabi (SALMO 141:3). Magagamit ng Dios ang ating mga salita para baguhin ang buhay ng iba.