Isa sa maraming pakinabang ng mga cellphone ay maaari nating makausap ang kahit sino sa anumang oras. Dahil dito, maraming mga tao ang gumagamit nito kahit nagmamaneho na nagdudulot ng matitinding aksidente. Para maiwasan ang mga ito, maraming mga paalala sa daan na huwag gumamit ng cellphone habang nagmamaneho. Mas mabuti na huminto saglit kung mayroon tayong nais tawagan o makausap.
Mahigpit na ipinagbabawal sa mga nagmamaneho ang paggamit ng cellphone. Pero may isang uri ng komunikasyon ang hindi ipinagbabawal sa atin: ito ay ang pananalangin. Nais ng Dios na palagi tayong tumawag sa Kanya sa lahat ng panahon. Sa Bagong Tipan ay pinaalalahanan ni Pablo ang mga nais makipag-usap sa Dios na “laging manalangin” (1 TESALONICA 5:17). Sinabi din ni Pablo na tayo ay “laging magalak” (TAL . 16), at “magpasalamat kahit anong mangyari” (TAL . 18).
Inaanyayahan tayo ng Dios na patuloy na magalak at magpasalamat sa Kanya na maipapakita natin sa pamamagitan ng palaging pananalangin.
Palaging nandiyan ang Panginoon upang pakinggan ang ating pag-iyak o mahahabang pakikipag-usap sa Kanya. Nais ng Dios na magkaroon tayo ng mabuting relasyon sa Kanya kung saan nasasabi natin ang lahat ng ating kasiyahan, pasasalamat, mga tanong, at pag-aalala (HEBREO 4:15-16). Palagi tayong lumapit sa Kanya sa panalangin.