May mga tao na gusto ang mapait na tsokolate at ang iba nama’y matamis. Hinahaluan ng sili noon ng mga katutubo sa Amerika ang tsokolate na kanilang iniinom. Tinawag nilang mapait na tubig ang tsokolate. Pero iba naman ang ginawa ng mga Espanyol, hinaluan nila ng asukal at pulot ang tsokolate. Sa gayon, tumamis ito at hindi na masyadong mapait.
Tulad ng tsokolate, ang bawat araw ay maaaring maging mapait o matamis. Sinabi ni Brother Lawrence na isang monghe sa bansang France, “Kung alam lang natin kung gaano tayo kamahal ng Dios, lagi tayong magiging handang tanggapin ang tamis at pait sa ating buhay.” Ano ba ang ibig sabihin ni Brother Lawrence? Mahirap kasing tanggapin na lang ang matitinding pagsubok sa buhay.
Pero madali namang tanggapin ang mga masasayang nangyayari. Ang susi para magawa nating tanggapin parehas ang nangyayari sa ating buhay ay magtiwala sa kabutihan ng Dios. Sinabi ng sumulat ng Awit, “Kay buti Mo, O Yahweh! Kay ganda ng Iyong loob” (AWIT 119:68 MBB).
Pinahahalagahan noon ng mga katutubo sa Amerika ang mapait na tsokolate dahil napapagaling nito ang kanilang mga karamdaman. Mahalaga rin naman ang mapapait o matitinding pagsubok sa buhay dahil tinutulungan tayo nitong maging mulat sa ating mga kahinaan at lalong magtiwala sa Dios. Sinabi pa sa Awit, “Sa akin ay nakabuti ang parusang Iyong dulot, pagkat aking naunawang mahalaga ang Iyong utos” (TAL . 71 MBB) . Harapin natin ng masaya ang buhay, anuman ang ating kalagayan ngayon. Sabihin natin sa Dios, “Tinupad Mo, O Yahweh, ang pangakong binitiwan, kay buti ng ginawa Mo sa lingkod mong minamahal” (TAL . 65 MBB) .