Ninais ng 8 taong gulang na si Carmine McDaniel na masigurong masigla at malakas ang mga karterong nagdadala ng sulat sa kanila. Kaya, naglagay siya ng maiinom sa harap ng kanilang bahay. Nakunan naman ng CCTV ang reaksyon ng kartero. Sabi ng kartero, “Salamat may tubig at Gatorade. Salamat sa Dios, salamat po!”

Sinabi ng ina ni Carmine, “Iniisip ni Carmine na tungkulin niyang asikasuhin ang kartero.”

Nakakataba ng puso ang kuwentong iyon. Pero nagsisilbi rin itong paalala sa atin na laging mayroong magbibigay ng ating pangangailangan. Ipinahayag naman ni Apostol Pablo ang kanyang pagpapasalamat sa mga nagtitiwala kay Jesus na nasa Filipos. Pinasalamatan sila ni Pablo sa tulong na kanilang ipinadala sa panahon na nakakulong siya. Kahit kapos ang mga taga Filipos nagawa pa rin nilang magbigay at tumulong kay Pablo (TINGNAN ANG 2 CORINTO 8:1-4). Tulad ng pagbibigay ng mga taga Filipos kay Pablo ng pangangailangan nito, ipagkakaloob din naman sa atin ang “hindi mauubos na kayamanan ng Dios, ibibigay Niya ang lahat ng [ating] kailangan sa pamamagitan ni Cristo Jesus” (FILIPOS 4:19 MBB).

Madalas tumutulong ang Dios sa pamamagitan ng ating kapwa. Kumikilos Siya sa buhay ng iba upang tugunin ang ating mga pangangailangan. Kung ipinagkakatiwala natin sa Dios ang ating pangangailangan, matututunan natin ang maging kuntento tulad ni Pablo (TAL . 12-13).