Isipin mo ang isang daanang punong-puno ng mga tao. Ang babae sa likod mo ay nakatingkayad habang tinitingnan kung sino ang paparating. Makikita sa daan na paparating ang isang lalaking sakay ng asno. Habang papalapit ang lalaki ay inilalatag ng mga tao ang kanilang mga balabal sa daan. Bigla mo namang narinig sa likuran mo na may pumuputol ng sanga ng puno. Isang palaspas ang pinutol na sanga. Inilalatag ng mga tao ang palaspas sa dadaanan ng lalaking sakay ng asno.
Tapat ang mga tagasunod ni Jesus sa Kanya. Sila rin ay nagbigay papuri sa Kanya ilang araw bago Siya ipako sa krus. Nagdiwang sila at nagpuri sa Dios “sa mga himalang nasaksihan nila” (LUCAS 19:37). Pinaligiran si Jesus ng Kanyang mga tagasunod. Sumigaw sila, “Pinagpala ng Panginoon ang haring Kanyang ipinadala!” (TAL 38).
Nagdulot ng pagtataka sa mga taga-Jerusalam ang masayang papuri kay Jesus. Nung dumating na si Jesus ay “nagkagulo ang buong lungsod, at nagtanungan ang mga tao, ‘Sino ang taong iyan?’” (MATEO 21:10).
Sa panahon natin ngayon ay marami pa rin ang nais makilala at mapapurihan si Jesus. Hindi man natin Siya mabigyan ng papuri tulad ng ginawa ng Kanyang mga tagasunod ay maaari pa rin tayong magbigay ng pagpapahalaga at sumunod sa Kanya. Maaari nating papurihan si Jesus sa pamamagitan ng pagbabahagi sa iba ng Kanyang dakilang ginawa sa krus, pagtulong sa mga taong nangangailangan, pagtitiis sa mga suliranin sa ating buhay, at pagmamahal sa ating kapwa. Sa pagsunod nating ito sa Kanya ay masasagot natin ang kanilang tanong na, “Sino si Jesus?”