Noong bata pa lamang ang aking kaibigan, ipinangako niya sa kanyang kapatid na sa pamamagitan ng isang payong ay makakalipad siya. Sa pagtitiwala sa kanya ay tumalon nga ang kanyang kapatid sa bubong gamit ang payong sa pag-aakalang makakalipad siya. Nahulog ang kanyang kapatid nang tumalon ito sa bubong. Nagkaroon siya ng sugat at bukol.
Ang pangako ng aking kaibigan ay iba sa pangako sa atin ng Dios sapagkat tinutupad ng Dios ang Kanyang mga pangako kung nagtitiwala tayo sa Kanya. Ang pananampalataya kapag walang paniniwala sa pangako ng Dios ay parang kathang-isip lamang at walang katotohanan.
Sa mga talata sa Biblia, ipinangako ng Dios na anumang hingin natin sa pamamagitan ng panalangin ay Kanyang tutuparin ayon sa Kanyang kagustuhan. Hindi lahat ng ating hihingin ay ibibigay ng Dios subalit sasagutin Niya ang ating mga panalangin sa kung ano ang magdudulot sa atin ng kabutihan. Ito ang tinatawag ni Pablo na “bunga ng Espiritu Santo” (GALACIA 5:22-23). Kung tayo ay patuloy na nagugutom at nauuhaw sa kabanalan at bunga ng Espiritu Santo, hilingin natin ito sa Dios at ibibigay Niya ito sa atin. Tunay na may katagalan bago tayo magkaroon ng espirituwal na paglago ngunit ang mahalaga ay huwag tayong susuko. Patuloy nating hingin sa Dios na gawin Niya tayong banal. Sa kalooban ng Dios ay matutupad ang ating mga kahilingan. Hindi nagbibitaw ang Dios ng pangako kung hindi Niya ito tutuparin.