May kalayuan ang eskuwelahan ng aking anak sa aming tahanan. Kaya naman, pagkatapos ko siyang ihatid, nagsasaulo ako ng mga talata sa Biblia habang naglalakad pauwi. Ang mga talatang inuusal ko hanggang masaulo ay palagian kong naaalala sa buong maghapon at sa panahong kailangan ko ng gabay.

Nang ihanda ni Moises ang mga Israelita sa pagpasok sa lupang ipinangako, binanggit niya sa kanila na panghawakan ang mga kautusan at Salita ng Dios. Sinabi ni Moises na lingkod ng Dios, “Huwag ninyong kalilimutan ang mga utos na ito na ibinigay ko sa inyo ngayon. Ituro ninyo ito sa inyong mga anak” (DEUTERONOMIO 6:1-7).Nais ni Moises na palaging isapuso at isaisip ang mga salita at kautusan ng Dios upang maparangalan Siya (TAL . 8).

Ikaw, paano mo pinapahalagahan ang mga Salita ng Dios? Maraming paraan upang maisapuso ang mga itinuturo sa Biblia. Subukan mong magsulat ng mga talata mula sa Biblia at sa tuwing maghuhugas ka ng kamay o iinom ng tubig, basahin at bigkasin mo ito nang paulit-ulit. Maaari din naman na bago ka matulog ay bumigkas ka ng iyong mga kabisadong talata mula sa Biblia at ito ang maging huling bahagi ng gagawin mo sa araw-araw. Nararapat na matandaan natin at isabuhay ang Salita ng Dios na siyang sa tuwina’y maging laman ng ating puso.