Napansin ng kaibigan ko na tila nahihirapan akong makita ang mga bagay na malayo sa akin. Tinanggal niya ang kanyang salamin at pinahiram sa akin. Laking gulat ko nang luminaw ang aking paningin matapos kong suotin ang kanyang salamin. Dahil dito, agad akong nagpakonsulta sa doktor sa mata upang magkaroon ng salamin na akma sa aking panigin.
May mababasa namang kuwento sa Biblia tungkol sa isang lalaki na ipinanganak na bulag. Namamalimos siya para mabuhay. Minsan, nabalitaan niya ang ginawang himala ni Jesus. Napuno ng pag-asa ang lalaking bulag dahil alam niya na maaari siyang matulungan ni Jesus. Kaya, nang dumating si Jesus, sumigaw ang bulag, “Jesus! Anak ni David, maawa Ka sa akin” (TAL . 38).
Kahit na may kapansanan ang lalaki, punong-puno naman ang puso niya ng pag-asa at pagtitiwala na ipagkakaloob ni Jesus ang kanyang paningin. Kaya, lalo pa siyang sumigaw nang mas malakas, “Anak ni David, maawa Ka sa akin” (TAL . 39). At dahil sa kanyang pananampalataya kay Jesus, siya ay gumaling. Pinuri niya ang Dios dahil nakakakita na siya (TAL . 43).
Kanino naman tayo lumalapit at tumatawag sa tuwing nakararanas tayo ng matitinding pagsubok sa ating buhay? Ang paggamit ng salamin sa mata ay nakatutulong para bumuti ang ating paningin. Ang awa at biyaya ni Jesus naman ang gumagabay sa ating mga buhay upang mas makilala natin Siya.