Dumalo ako sa isang kasalan kung saan galing sa magkaibang lahi at kultura ang ikinasal na lalaki at babae. Pinaghalo sa seremonya ng kanilang kasal ang magkaiba nilang tradisyon at paniniwala.
Sa Lumang Tipan ng Biblia, sinabi ni propeta Zefanias na maaaring humantong sa pagkakasala ang pagsasama-sama ng iba't ibang paniniwala tungkol sa Dios. Tinatawag itong syncretism. Nangako ang mga Judio na sasamba sila sa buhay na Dios. Pero sumasamba rin sila sa dios-diosan na si Molek (ZEFANIAS 1:5). Inilarawan ni Zefanias ang pagsamba ng mga Judio sa diosdiosan (TAL . 8) at nagbigay rin siya ng babala na paaalisin sila ng Dios sa kanilang lupain dahil sa kanilang kasalanan.
Sa kabila ng pagkakasala ng mga Judio, minahal at pinatawad pa rin sila ng Dios. Sinabi ni Zefanias, "Gawin ninyo ang tama at kayo'y magpakumbabá kay Yahweh" (2:3). Nag-iwan din ng pangako ang Dios sa Kanyang bayan, "Kayo'y aking titipunin at ibabalik sa inyong tahanan" (3:20).
Madali para sa atin ang husgahan ang ibang tao sa kanilang mga gawi. Pero mabuting suriin din muna natin ang ating sarili bago husgahan ang iba. Kailangan natin ng tulong ng Espiritu Santo at Salita ng Dios upang mas tumibay ang ating kaalaman tungkol sa Dios. Pinapatawad at tinatanggap ng Dios ang lahat ng taong sumasamba sa Kanya sa Espiritu at katotohanan (TIGNAN ANG JUAN 4:23-24).