Kinumbinsi naming mabuti ang mga anak namin na hindi nila dapat palagpasin ang pagsisid sa Dagat ng Caribbean. Matapos maglangoy at sumisid ay umahon sila ng may saya at sinabi, “Napakaraming uri ng isda ang nakita namin! Napakagaganda nila! Hindi pa kami nakakakita ng makukulay na mga isda!”
Dahil ang ibabaw ng dagat ay halos katulad ng itsura ng mga lawa na malapit sa tinitirahan namin ay hindi sana makikita ng mga anak namin ang natatagong ganda nito.
Nang magtungo si Propeta Samuel sa Bethlehem para italaga ang isa sa mga anak ni Jesse para maging susunod na hari ay nakita niya ang panganay na anak nito na si Eliab. Namangha si Samuel sa magandang anyo at tindig nito. Akala niya na natagpuan na niya ang tamang tao para maging hari. Pero hindi nais ng Dios si Eliab. Pinaalalahanan ng Dios si Samuel, “Ang tao ay tumitingin sa panlabas na anyo, ngunit ang Panginoon ay tumitingin sa puso (1 SAMUEL 16:7, MBB).
Tinanong ni Samuel kung may iba pang mga anak si Jesse. Ang bunsong anak nito ay wala noon dahil nag-aalaga siya ng kanilang mga tupa. Ang anak na ito ay si David. Siya ang itinalaga ng Dios para maging susunod na hari ng Israel.
Kadalasan ay tumitingin lamang tayo sa panlabas na anyo ng isang tao. Hindi tayo nagbibigay ng pagkakataon na makilala ang kanilang natatagong magandang kalooban. Hindi natin pinapahalagahan ang mga bagay na mahalaga sa Dios. Pero kung kikilalanin nating mabuti ang isang tao ay makikita natin ang kanilang natatagong mabuting kalooban at kagandahan.