May sakit na kanser ang nanay ni Laura. Isang araw ay ipinanalangin niya ito kasama ang kanyang kaibigan. Ang kaibigang ito ni Laura ay may malubhang karamdaman na cerebral palsy. Nanalangin ang kanyang kaibigan, “Panginoon, ginawa Mo lahat para sa akin. Nawa’y gawin Mo din ang lahat para sa nanay ni Laura.”

Namangha si Laura sa panalangin ng kanyang kaibigan. Ipinahayag nito ang pag-asa at paglalagak ng kanyang buhay sa Dios. Napaisip si Laura, “Paano ko ipinapahayag na kailangan ko ang Dios sa lahat ng pagkakataon? Dapat ugaliin kong gawin iyon sa bawat araw!

Noong nasa lupa pa si Jesus ay palagi Niyang ipinapahayag ang Kanyang pagsuko sa Dios. Marami ang maaaring mag-isip na si Jesus ay Dios na nagkatawang-tao kung kaya’t kaya Niyang magawa ang lahat ng bagay. Pero nang tanungin si Jesus ng mga tagapagturo tungkol sa Kanyang “pagtatrabaho” nang may pinagaling Siya sa Araw ng Pamamahinga ay sumagot si Jesus, “Pakatandaan ninyo na walang magagawa ang Anak sa Kanyang sarili lamang; Ang nakikita Niyang ginagawa ng Ama ang siya lamang Niyang ginagawa” (JUAN 5:19 MBB). Nagpahayag din si Jesus ng Kanyang pag-asa at pagsuko sa Dios.

Ang paglalagak ni Jesus ng Kanyang buhay sa Dios ay isang magandang halimbawa kung paano dapat ang relasyon natin sa Dios. Isang biyaya mula sa Dios ang bawat araw na tayo ay nabubuhay. Nais Niya na mapuno ang buhay natin ng kalakasan at pag-asa na nagmumula sa Kanya. Sa tuwing tayo ay namumuhay ayon sa nais Niya ay nagpapahayag tayo ng pag-asa at pagsuko sa Kanya.