Ang mais na tinatawag din maize ay siyang pangunahing pagkain ng bansang Mexico. Maraming uri ang mga mais. May kulay dilaw, tsokolate, pula, at itim na mga mais. Mayroon ding mais na may iba’t ibang kulay, pero hindi masyadong kinakain ang uri ng mais na ito. Ayon kay Amado Ramirez, isang mananaliksik at may-ari ng isang restaurant, naniniwala ang mga Mexicano na ang pagkakatulad-tulad ay simbolo ng pagkakapantay-pantay. Gayon pa man, ang mais na may iba’t ibang kulay ay sangkap sa paggawa ng masasarap na tortillas.
Ang samahan ng mga naniniwala kay Cristo ay tulad ng mais na may iba’t ibang kulay. Inihalintulad ni Apostol Pablo sa isang katawan ang samahan ng mga naniniwala kay Cristo. Kahit iisa ang ating katawan at iisa ang ating Dios, ang bawat isa ay binigyan ng natatanging kaloob para gamitin sa paglilingkod sa Kanya. Sinabi ni Pablo na may iba’t ibang paraan ng paglilingkod, pero iisa lamang ang Panginoon na pinaglilingkuran. Magkakaiba man ang mga gawain, pero iisa lamang ang Dios na kumikilos sa Kanyang mga lingkod (1 CORINTO 12:5-6). Ang magkakaiba nating kakayahan upang tumulong sa bawat isa ay nagpapakita ng kabutihan ng Dios.
Nawa tayo ay manatiling may iisang pananampalataya at layunin kahit magkakaiba pa man ang ating mga kaloob. Totoo na iba’t iba ang ating mga kakayahan at pinanggalingan. Mula tayo sa magkakaibang bansa na may magkakaibang wika. Pero mayroon tayong iisang Dios na nalulugod sa ating pagkakaiba.