Noong bata pa ang anak kong si Xavier, palaging wala ang tatay niya dahil sa trabaho. Kahit na madalas itong tumatawag, dumarating pa rin ang mga pagkakataon na nangungulila sa kanya ang bata. Sa mga ganoong pagkakataon, ipinapakita ko sa kanya ang mga larawan nilang magama na magkasama sila.
Ang mga panahong kasama niya ang kanyang tatay ang nagpapaalala sa kanya na mayroon siyang “mabuting ama.”
Naiintindihan ko na kailangang ipaalala kay Xavier ang pagmamahal ng kanyang ama kahit hindi niya ito madalas makita. Kapag may problema naman ako at malungkot, nais kong maalala na may nagmamahal din sa akin hindi lang ng aking ama, kundi lalong higit ng aking Ama sa Langit.
Ipinakita ni David ang kanyang pangungulila sa Dios habang nagtatago siya sa kanyang mga kaaway (SALMO 63:1). Kahit sa pinakamahirap na sitwasyon ay nagpupuri pa rin siya sa Panginoon (T . 6-8) dahil inaalala niya ang mga magagandang ginawa ng Dios sa kanya.(T . 2-5).
Sa mga panahong dumaranas tayo ng paghihirap at pakiramdam natin ay pinabayaan na tayo ng Dios, alalahanin natin kung sino Siya at kung paano Niya ipinadarama ang Kanyang pagmamahal. Isipin natin ang mga nagawa na Niya para sa atin at ang mga ginawa Niya na mababasa sa Biblia. Sa pamamagitan nito, makatitiyak tayo na talagang minamahal tayo ng ating Dios.