Minsan, may seremonyang ginanap para sa pagkakaroon ng Biblia sa wikang Aprikano. Lubos na natuwa ang kanilang pinuno. Sinabi niya, “Ngayon, alam na natin na naiintindihan ng Dios ang ating wika.”
Naiintindihan ng Dios anuman ang ating wika. Pero madalas, hindi natin masabi sa Dios ang tunay nating nararamdaman. Hinihikayat naman tayo ni apostol Pablo na manalangin anuman ang ating nararamdaman. Hindi lingid kay Pablo ang hirap na nararanasan natin dito sa mundo. Sinabi niya, “Alam natin na hanggang ngayon, ang buong nilikha ay naghihirap at dumaraing tulad ng isang babaeng manganganak na” (ROMA 8:22). Gayon pa man, pinaalala niya na may tutulong sa atin, “Tinutulungan tayo ng Banal na Espiritu sa kahinaan natin. Hindi natin alam kung ano ang dapat nating ipanalangin, kaya ang Espiritu na rin ang namamagitan sa Dios para sa atin sa pamamagitan ng mga daing na hindi natin kayang sabihin” (TAL. 26).
Lubos tayong kilala ng Banal na Espiritu. Alam Niya ang nilalaman ng ating puso. Tinutulungan Niya tayo na sabihin sa Dios ang gusto nating sabihin. Tinutulungan rin tayo ng Banal na Espiritu na maging tulad ni Jesus (TAL. 29).
Anuman ang ating wika, naiintindihan tayo ng Dios at nangungusap Siya sa pamamagitan ng Kanyang Salita. Kapag nahihirapan tayong manalangin, ang Banal na Espiritu ang makikipag-usap sa Dios para sa atin. Nais ng Dios na makipagusap tayo sa Kanya.