Madalas akong pumunta noon sa silid-aklatan. Minsan, habang pinagmamasdan ko ang mga libro sa lagayan, naisip ko na kaya kong basahin ang lahat ng iyon. Hindi ko naman iyon nagawa dahil laging may dumarating na mga bagong libro.
Kung nabubuhay pa si apostol Juan sa panahon ngayon, marahil mamamangha siya sa dami ng librong makikita niya. Sulat-kamay lang kasi sa nakarolyong papel ang mga isinulat niyang mga aklat sa Bagong Tipan. Ito ay ang aklat ng Juan, 1 Juan, 2 Juan, 3 Juan at Pahayag.
Inudyukan si Juan ng Banal na Espiritu na isulat ang lahat ng tungkol sa buhay at paglilingkod ni Jesus na nasaksihan niya (1 JUAN 1:1-4). Pero kakaunti lamang ang naisulat ni Juan. Sinabi niya na kung isusulat ang lahat ng mga ginawa ni Jesus, “hindi magkakasya sa buong mundo ang lahat ng aklat na maisusulat’ (JUAN 21:25).
Hanggang ngayon ay totoo pa rin ang sinasabi ni Juan tungkol kay Jesus. Kahit gaano pa karami ang mga librong isinulat para kay Jesus, hindi magkakasya sa mga silid-aklatan sa buong mundo ang lahat ng kuwento tungkol sa pag-ibig at kagandahang loob ni Jesus. May kanya-kanya rin tayong karanasan tungkol sa katapatan at pag-ibig ni Jesus na maaari nating ipagpasalamat at ikuwento sa iba. Patuloy natin itong ipahayag (SALMO 89:1).