Habang kausap ko sa telepono ang aking kaibigan, naaaliw ako sa naririnig kong tunog na mula sa mga seagull na isang uri ng ibon. Hindi naman natutuwa ang kaibigan ko sa mga seagull dahil nakakaperwisyo lang daw ang mga ito sa kanila. Ang mga asong gubat naman ang perwisyo sa aming lugar sa London.
Binangggit sa Biblia ang mga asong-gubat. Makikita ito sa aklat ng Awit ng mga Awit. Ang aklat na ito ay tungkol sa pag-iibigan ng mag-asawa. Sabi naman ng iba, tungkol ito sa pag-ibig ng Dios sa tao. Pinapahuli ng babae ang mga asong gubat sa kanyang mapapangasawa dahil naninira ito ng kanilang ubasang namumulaklak (2:15). Ninanais ng babae na walang anuman ang maging hadlang sa kanilang nalalapit na pagsasama bilang mag-asawa.
Paano makakaapekto sa ating relasyon sa Dios ang mga itinuturing na asong gubat sa ating buhay? Sa sitwasyon ko, ang nakakaapekto sa akin ay ang madalas na pagpayag ko sa mga hinihiling sa akin. Nagiging mahirap akong pakisamahan dahil sa dami ng dapat kong tapusin. Madali rin akong magalit o malungkot kapag may problema pagdating sa relasyon ko sa ibang tao. Gayon pa man, sa pamamagitan ng pagmamahal at pangunguna ng Dios, nagagawa kong labanan ang hindi magandang epekto ng mga tila asong-gubat sa buhay ko.
Paano mo naman hihingin ang tulong ng Dios tungkol sa mga bagay na nagpapalayo sayo sa Kanya?