May isang grupo sa Detroit na naglunsad ng isang proyekto para sa ikagaganda ng kanilang lungsod. Gumawa sila ng isang slogan para rito, “Makita n’yo sana ng ating lungsod kung paano namin ito nakikita.” Pero sa kalaunan, biglang itinigil ang proyekto. Napansin kasi ng mga tagaroon na hindi akma ang ipinaskil nilang mga larawan para sa proyekto. Panay puting Amerikano kasi ang makikita sa larawan gayong karamihan naman sa mga naninirahan at nagtatrabaho roon ay mga Aprikanong Amerikano.
Kung paanong nabalewala ang mga Aprikanong Amerikano sa Detroit, nabalewala rin ng mga Israelita ang mga hindi nila kalahi. Bilang itinuturing na kalahi ni Abraham, nakatuon lang sila sa mga bagay na gusto nilang mangyari para lamang sa mga kalahi nila. Hindi nila maunawaan ang pagmamalasakit ni Jesus sa mga Samaritano, mga Romanong sundalo, o kahit na sino na hindi nila kalahi.
Masasabi kong tulad ko rin ang mga taga Detroit at ang mga taga Jerusalem. Minsan kasi ay ang mga may kaugnayan lang sa akin ang nabibigyan ko ng pansin. Pero ang Dios ang gumagawa ng paraan para magkaisa tayo sa kabila ng ating mga pagkakaiba. May pagkakatulad naman talaga tayo hindi man natin ito makita.
Pinili ng Dios si Abram na isang taga-ilang para maging daluyan ng pagpapala sa lahat ng tao (GENESIS 12:1-3). Mahal ni Jesus ang lahat. Sama-sama tayong mamuhay nang umaasa sa biyaya at habag ng Dios na siyang tutulong sa atin upang tanggapin ang bawat isa.