Sinabi sa isang balita na ang pag-atake ng mga terorista sa 2 simbahan noong Abril 2017 sa bansang Egipto ay maituturing na pinakamasamang araw para sa mga nagsisimba roon. Marami ang nasaktan at nasawi sa trahedyang iyon. Ang mga ganitong pangyayari ay hindi natin lubusang maunawaan. Sa panahong makakaranas tayo ng mga trahedya o pagsubok sa buhay, maaari tayong humingi ng tulong sa mga nakaranas na ng ganoong mga pangyayari.
Nang isulat ni Asaf ang Salmo 74, kasalukuyang bihag ang karamihan sa mga taga Jerusalem at ang iba nama’y pinatay na. Sa mga talatang 4 at 7, buong pagdadalamhating sinabi ni Asaf ang ginawang paglapastangan ng kanilang mga kaaway sa templo ng Dios.
Sa kabila ng masaklap na kalagayan, nagawa pa rin ni Asaf na magpalakas ng loob ng iba. Nagpuri din Siya sa Dios na makapangyarihan dahil sa katotohanang Siya ang kanilang Hari mula pa noong una. Sinabi pa niya sa Dios, “Paulit-ulit Nʼyo nang iniligtas ang mga tao sa mundo” (TAL. 12). Alam ni Asaf na patuloy silang ililigtas ng Dios kahit na tila wala Siya sa mga panahong iyon. Nanalangin si Asaf, “Alalahanin Nʼyo ang kasunduan Ninyo sa amin…Huwag nʼyong payagang mapahiya ang mga mahihirap at nangangailangan” (TAL. 20-21).
Sa mga panahong tila hindi umiiral ang habag at hustisya, alalahanin natin na kailanma’y hindi nawawala ang pagmamahal at kapangyarihan ng Dios. Tulad ni Asaf, masasabi natin na, “Ang Dios ang aking Hari.”