Kinasuhan ng isang lalaki ang babaeng umaangkin ng kanyang aso. Sinabi naman ng babae sa korte kung saan niya binili ang aso upang patunayan na sa kanya talaga ito. Hindi nagtagal, nalaman na kung sino talaga ang nagmamay-ari sa aso. Ang lalaki ang tunay na may-ari, nilapitan siya agad ng aso nang palabasin ito ng hukom.
Parang ganoon din ang hinawakang kaso ni Haring Solomon. Dalawang ina ang umaangkin sa isang sanggol. Pagkatapos pakinggan ni Solomon ang magkabilang panig, humingi siya ng espada at sinabing hahatiin niya ang sanggol. Nagmakaawa ang totoong ina ng bata na huwag itong hatiin at ibigay na lamang siya doon sa umaangking babae. Mas mahalaga para sa kanya na maligtas ang anak kahit na hindi na ito mapunta sa kanya (1 HARI 3:26). Ibinigay ni Solomon ang bata sa babaeng nagparaya dahil talastas ni Solomon na siya ang tunay na ina ng sanggol.
Mahalaga na may karunungan sa pagpapasya kung ano ang mabuti at makatarungan. Maaari nating hilingin sa Dios na bigyan tayo ng karunungan tulad ng ginawa ni Solomon (TAL. 9). Tutulungan tayo ng Dios kung paano tayo magpapasya na hindi lang ang sarili nating kapakanan ang isinasaalangalang kundi maging ang kapakanan ng iba. Tutulungan din tayo ng Dios kung paano titimbangin ang mga panandalian at pangmatagalang pakinabang upang mabigyan natin Siya ng karangalan sa ating pamumuhay.
Bukod sa mabuti at matalinong hukom ang Dios, Siya rin ang ating personal na tagapayo na handang magbigay sa atin ng karunungan (SANTIAGO 1:5).