Mabuting ama ang aking tatay, at sa tingin ko nama’y masunurin akong anak. Pero kahit ganoon, hindi ako naging malapit sa aking ama.
Tahimik lang ang aking ama. Tahimik lang din ako. At kahit may madalas kaming ginagawang magkasama, hindi kami masyadong nag-uusap. Hindi siya nagtatanong, at hindi rin naman ako nagkukuwento ng mga bagay tungkol sa akin tulad ng mga pangarap ko.
Dumating ang pagkakataon na nabago ang aking pananaw tungkol sa pakikitungo ko sa aking ama. Nagsimula ito nang magkaroon ako ng sarili kong mga anak. Naisip ko na sana ay naging mas mabuti akong anak sa aking tatay.
Nang mamatay na ang aking ama, buong panghihinayang kong sinabi sa aking asawa, “Huli na ang lahat, ‘di ba?” Sumang-ayon naman sa akin ang aking asawa. May mga hindi kasi ako nasabi sa tatay ko na dapat sana ay sinabi ko sa kanya. May mga gusto rin sana ako na marinig mula sa kanya.
Sa kabila ng kalungkutan ko, naging kaaliwan sa akin ang katotohanan na maaari pa naming ayusin ang aming relasyon kapag nagkita kaming muli sa langit. Sinasabi sa Biblia na papahirin ang bawat luha sa lugar na iyon (PAHAYAG 21:4).
Para sa mga nagtitiwala kay Jesus, ang kamatayan ay hindi katapusan ng pagmamahal natin sa bawat isa. Sa halip, simula iyon ng pang walang hanggang pagmamahalan. Muli ring magkakasundo ang mga ama at ang mga anak (MALAKIAS 4:6).