Kahit nakaratay na sa higaan ang 92 taong gulang na si Morrie Boogaart, gumagawa pa rin siya ng mga ginantsilyong sumbrero para sa mga mahihirap na taga Michigan. Mahigit 8 libong sumbrero na ang nagawa at naipamigay niya. Kahit maysakit na siya, mas inisip niya pa rin ang iba kaysa ang kanyang sarili. Para kay Morrie, nagbibigay ng layunin sa kanyang buhay ang ginagawa niyang ito. Sinabi niya na patuloy niya itong gagawin hanggang sa kunin na siya ng Panginoon at nangyari iyon noong Pebrero, 2018. Hindi man nalaman ng mga nabigyan ni Morrie kung gaano siya nagsakrispisyo sa paggawa ng bawat sumbrero, nagsisilbi siyang inspirasyon ngayon sa mga tao sa buong mundo.
Maaari din nating isantabi ang ating sarili para sa kapakanan ng iba tulad ng ginawa ni Morrie at ni Jesus (FILIPOS 2:1-5). Kahit na Dios Siya at Hari ng mga Hari, “ibinaba Niya nang lubusan ang sarili Niya sa pamamagitan ng pag-aanyong alipin” (TAL. 6-7). Inalay Niya ang Kanyang buhay at Siya’y namatay sa krus alangalang sa atin (TAL. 8). Ibinigay ni Jesus ang lahat para sa atin…sa “ikapupuri ng Dios Ama” (TAL. 11).
Bilang mga nagtitiwala kay Jesus, isang pribilehiyo para sa atin na magpakita ng pagmamahal at pagmamalasakit sa kapwa sa pamamagitan ng simpleng kabutihan. Kahit na iniisip natin na maliit lamang ang ating magagawa, manaig nawa sa atin ang pagnanais na maglingkod sa kapwa. Lagi tayong humanap ng pagkakataon para makatulong sa ating kapwa sa abot ng ating makakaya.