Minsan, pumunta sa isang espiritista ang isang lalaki kasama ang kanyang binatilyong anak na paalis sa kanilang lugar. Binigyan ng espiritista ng antinganting ang lalaki at sinabi, “Ito ang mag-iingat sa anak mo saan man siya magpunta.”
Ako ang binatilyong iyon. Hindi kailanman nakatulong sa akin ang anting-anting na iyon. At habang naninirahan ako sa malaking lungsod, sumampalataya ako kay Jesus. Itinapon ko na ang anting-anting at kay Jesus na ako lubusang nagtiwala. Natitiyak ko na lagi ko Siyang kasama saan man ako magpunta.
Pagkalipas ng maraming taon, sumampalataya na rin ang aking ama sa Panginoong Jesus. Sinabi niya sa akin nang isusugod sa ospital ang kapatid ko, “Manalangin muna tayo, ang Espiritu ng Dios ay sasainyo at lagi ninyo Siyang kasama!” Natutunan namin na tanging ang Dios lamang ang tunay na mag-iingat sa amin.
Natutunan din ni Moses ang katotohanang iyon. Itinalaga sa kanya ng Dios ang tungkuling pangunahan ang mga Israelita sa paglaya mula sa pagkaalipin sa Egipto at dalhin sila sa Lupang Pangako (EXO. 3:10). Sinabi sa kanya ng Dios, “Sasamahan kita” (TAL. 12).
Marami rin tayong nararanasang mga pagsubok sa buhay pero makakatiyak tayo na kasama rin natin ang Dios. Sinabi ni Jesus sa kanyang mga tagasunod, “Lagi ninyo Akong kasama hanggang sa katapusan ng mundo.”