Nag-alaga ng tupa ang kaibigan kong si Chad sa loob ng isang taon. Sinabi niya sa akin na mangmang ang mga tupa dahil kinakain lang ng mga ito ang damo na nasa tapat nila. Kapag naubos na nila ang damo sa harap nila, kakainin na lang nila ang dumi sa halip na lumipat ng ibang puwesto.
Natawa kami sa sinabi niya. Naalala ko tuloy na sa Biblia, madalas na ikinukumpara ang mga tao sa tupa. Kailangan din natin ng pastol na mangunguna sa atin tulad ng mga tupa. Pero hindi kung sino sino lang ang pwedeng maging pastol ng mga tupa. Kailangan ng mga ito ng pastol na talagang magmamalasakit sa kanila. Nang sinulatan ni propeta Ezekiel ang mga Israelita noong bihag pa sila sa Babilonia, ikinumpara sila sa tupa na pinapangunahan ng masasamang pastol. Sa halip na pangalagaan sila, inabuso sila ng kanilang mga pinuno (EZEKIEL 34:3). Hinayaan nila na lapain sila ng mababangis na hayop (TAL. 5).
Ganoon man ang kanilang kalagayan, hindi sila nawalan ng pag-asa. Nangako ang Dios na siyang Mabuting Pastol na ililigtas sila mula sa mga mapang-abusong pinuno. Ipinangako Niya rin na ibabalik Niya sila sa kanilang mga tahanan, bibigyan ng masaganang pastulan, at bibigyan ng kapahingahan. Pagagalingin Niya ang mga sugat nila at hahanapin ang mga naligaw (TAL. 11-16). Iingatan Niya sila mula sa mababangis na hayop (TAL. 28).
Nangangailangan ng pagmamalasakit ang itinuturing na mga tupa ng Dios. Mapalad tayo dahil mayroon tayong Mabuting Pastol na laging nagdadala sa atin sa masaganang pastulan (TAL. 14).