Ang Steven Thompson Memorial Centipede ay paligsahan sa pagtakbo na may kakaibang tuntunin. Sinasalihan ito ng mga grupo na may tig-pitong miyembro. May hawak na lubid ang bawat grupo at tatakbo sila bilang isang grupo sa unang 2 milya. Kapag narating na nila ang ikalawang milya, bibitawan na nila ang lubid at isa-isa na nilang tatapusin ang karera.
Nakasali sa ganoong paligsahan ang aking anak. Nag-isip siya at ang kanyang mga ka-grupo ng kakaibang estratehiya. Ipinuwesto nila sa unahan ang pinakamabilis na manlalaro at sa likuran naman ipinuwesto ang pinakamabagal sa kanila. Ginawa raw nila iyon para mahikayat at mabigyan ng lakas ng loob ng pinakamabilis na manlalaro ang pinakamabagal nilang manlalaro.
Mababasa naman natin sa Hebreo na hinihikayat tayo na magpakatatag at sikaping hikayatin ang bawat isa na magmahalan at gumawa ng mabuti (HEBREO 10:23-24). Binigyang diin ng manunulat na huwag nating pababayaan ang mga pagtitipon at palakasin ang loob ng bawat isa (TAL. 25). Malaking bahagi sa buhay natin bilang mga nagtitiwala kay Jesus ang pagtitipon dahil doon natin nagagawang magpalakasan ng loob.
Minsan, naiisip naman natin na hindi natin kaya ang mga pagsubok na dumarating sa ating buhay. Maaari din na tuluyan tayong mawalan ng pag-asa na para bang bibitaw na lang tayo sa lubid. Habang sama-sama tayong tumatakbo, palakasin natin ang loob ng bawat isa upang mas maging matatag tayo.