Ikinagulat ng mga taga England ang iginuhit ng pintor na si Sigismund Goetze na tinawag niyang, ‘Hinamak at Itinakwil ng mga Tao.’ Si Jesus ang nasa larawan kasama ang mga tao sa kapanahunan ni Goetze. Makikita sa kanyang ipininta na lubos na nahihirapan si Jesus habang ang mga nakapaligid sa kanya ay abala naman sa mga bagay na kinahihiligan nila tulad ng negosyo at politika. Mapapansin sa larawan na wala silang malasakit kay Jesus. Tulad din nila ang mga tunay na nakasaksi sa pagkamatay ni Jesus. Wala silang ideya kung ano at sino si Jesus at tila wala silang pakialam.
Sa panahon natin ngayon, nakatuon din tayo sa maraming bagay kaya nakakalimutan natin ang mga higit na mahalaga tulad ng pagmamalasakit sa kapwa. Bilang mga nagtitiwala kay Jesus, paano natin maipapahayag ang tungkol sa pagmamahal ng Dios?
Maaari natin itong simulan sa pamamagitan ng pagpapadama ng pagmamahal sa bawat isa. Sinabi ni Jesus, “Kung nagmamahalan kayo, malalaman ng lahat ng tao na mga tagasunod Ko kayo” (JUAN 13:35).
Lubos din nating maipapakita ang ating pag-ibig sa pamamagitan ng pagpapahayag sa iba ng Magandang Balita ng kaligtasan. Sinabi ni Pablo, “Kaya nga, mga sugo kami ni Cristo” (2 CORINTO 5:20). Kung gagawin natin ito sa tulong ng Banal na Espiritu, maipapakita natin ang pag-ibig ng Dios at maitutuon nila ang kanilang atensyon sa Kanya sa halip na sa mga bagay na hindi mahalaga.