Ang sakit na ketong ay lubos na pinandidirihan ng mga tao noon pa man. Nasaksihan iyon ng misyonerong doktor sa India na si Paul Brand. Nang minsang puntahan siya ng isang pasyenteng may ketong, hinawakan niya ito at tiniyak na may pag-asa pa itong gumaling. Naluha ang pasyente sa tuwa dahil wala pa raw humahawak sa kanya simula noon, si Paul pa lang.
Nilapitan din si Jesus ng isang ketongin. Marahil ay matagal nang hindi nahahawakan ng sinuman ang lalaking iyon dahil ipinagbabawal sa kanilang batas na manirahan sa loob ng kanilang lugar ang mga may nakakahawang sakit sa balat. At kung sa ‘di inaasahang pangyayari ay may mga tao na mapalapit sa kanila, dapat silang sumigaw ng, “Ako’y marumi!” upang iwasan sila ng mga ito (LEVITICUS 13:45-46).
Sa labis na awang naramdaman ni Jesus, hinawakan Niya ang ketongin. Kaya siyang pagalingin ni Jesus sa pamamagitan lamang ng salita (MARCOS 2:11-12). Pero sa pgakakataong iyon, hinawakan ni Jesus ang lalaking may ketong dahil alam Niya na sa pamamagitan nito’y mararamdaman ng ketongin na hindi siya nag-iisa at may tumatanggap sa kanya.
Sa bawat pagkakataong ibinibigay sa atin ng Dios, maipakita nawa natin ang Kanyang kagandahang loob at kahabagan. Maaari natin itong gawin sa pamamagitan ng simpleng paghawak sa mga may sakit o may nararanasang pagsubok sa buhay. Sa pamamagitan nito ay maipapadama natin na nagmamalasakit tayo sa kanila.