Inalok si Simon ng mas mataas na posisyon sa trabaho. Tinanggap niya ito matapos niyang ipanalangin at ihingi ng payo. Naramdaman niya na mula sa Dios ang oportunidad na iyon. Naging maayos naman ang paglipat niya at sinuportahan din iyon ng nakatataas sa kanya. Pero hindi iyon nagustuhan ng ilan sa mga katrabaho niya. Naisip niya tuloy na baka dapat niyang isuko ang posisyon.
Nang bumalik naman ang mga Israelita sa Jerusalem para itayo ang templo ng Dios, tinakot sila ng mga dating tagaroon kaya pinanghinaan sila ng loob (EZRA 4:4). Noong una’y huminto sila sa pagtatayo ng temple pero nagpatuloy din sila nang palakasin ng Dios ang kanilang loob sa pamamagitan ng mga propeta (4:24-5:2).
Muli na naman silang ginulo ng kanilang mga kaaway. Pero sa pagkakataong iyon, mas matatag na sila dahil alam nilang iniingatan sila ng Dios (EZRA 5:5). Sumunod sila sa mga tagubilin ng Dios at nagtiwala sila na hindi Niya sila pababayaan anuman ang kanilang harapin. Hindi nga sila pinabayaan ng Dios at dahil sa Kanya, sinuportahan ng hari ng Persya ang pagtatayo sa templo (TAL. 13-14).
Humingi ng tulong sa Dios si Simon kung isusuko na ba niya ang posisyon. Nang maging malinaw sa kanya na nais ng Dios na manatili siya, nagtiwala siya na bibigyan siya ng Dios ng kalakasan upang magpatuloy. Kalaunan, unti-unti na itong natanggap ng mga katrabaho niya.
Hindi tayo dapat panghinaan ng loob kung may sasalungat din sa atin sa pagsunod natin sa Dios. Magpatuloy lang tayo sa pagsunod sa Kanya. Makakaasa tayo na gagabayan at tutulungan tayo ng Dios.