Minsan, dumayo ako sa isang malayong lugar para kausapin ang isa sa mga empleyado namin. Nabalitaan ko kasi na nagkakalat siya ng maling impormasyon tungkol sa aming kompanya. At dahil ayaw kong masira ang reputasyon namin, kinausap ko siya ng masinsinan para mahikayat siyang baguhin ang mga gagawin pa niyang desisyon.
Mababasa naman sa 1 Samuel 25 ang isang babae na naglakas loob na kausapin si David na noo’y magiging hari ng Israel. Si Abigail ang babaeng iyon na asawa ni Nabal. Dahil magaspang ang pag-uugali ni Nabal at tumanggi siyang magkaloob kay David para sa pagbabantay sa kanyang ari-arian (TAL. 10-11), binalak ni David na maghiganti at patayin ang lahat ng mga kalalakihan sa sambahayang iyon. Nang malaman ito ni Abigail, kinausap niya si David para hindi na nito ituloy ang balakin. Naghanda pa si Abigail ng mga regalo para kay David at nakiusap siyang pag-isipan itong mabuti (TAL. 18-31).
Pagkatapos magpadala ni Abigail ng mga regalo para kay David at sa mga tauhan nito, ipinaalala niya kay David ang tungkol sa plano ng Dios para sa kanya. Kung hindi itutuloy ni David ang paghihiganti, hindi siya uusigin ng kanyang konsensiya pag naging hari na siya (TAL. 31).
Maaaring may kakilala kayo na malapit nang gumawa ng bagay na makakaapekto sa ibang tao at sa kanilang relasyon sa Dios. Tulad ni Abigail, maaaring gamitin ka ng Dios para makipag-usap sa mga tao upang pigilan silang gumawa ng maling desisyon.