Nang masira ang tulay sa Techiman, Ghana, hindi makatawid ang mga nakatira sa New Krobo na isang lugar sa kabilang bahagi ng ilog. Nabawasan ang mga dumadalo sa simbahan na pinangungunahan ni Pastor Samuel Appiah dahil taga New Krobo ang karamihan sa kanila. Kaya naman, itinuturing nila na nasa hindi magandang puwesto ang lugar na iyon.
Sa kabila ng problemang iyon, sinikap ni Pastor Samuel na palawakin ang bahay-ampunan na itinayo ng kanilang simbahan. Nanalangin siya. Pagkatapos, nagsimula siya ng mga pagtitipon sa New Krobo. Kalaunan, nagkaroon ng mga bagong nagtitiwala kay Jesus at nakapagtayo rin sila ng bagong simbahan doon. Nagkaroon din sa New Krobo ng bahay ampunan. Kumilos ang Dios sa gitna ng problema.
Nang mapunta naman si Pablo sa hindi magandang kalagayan dahil nakulong siya, hindi niya ito ikinalungkot. Sa halip, sinabi niya, “Nais kong malaman ninyo na ang mga nangyari sa akin ay nakatulong nang malaki sa ikalalaganap ng Magandang Balita” (FILIPOS 1:12). Sinabi rin niya na dahil sa kanyang pagkakulong, nalaman ng guwardiya sa palasyo ang tungkol kay Jesus (TAL. 13). Lumakas din ang loob ng iba na ipahayag ang Magandang Balita (TAL. 14).
Binigyan ng Dios sina Pastor Samuel at apostol Pablo ng mga paraan kung paano magpatuloy sa gitna ng mga balakid. Ano kaya ang ginagawa ng Dios sa kabila ng ating mahihirap na sitwasyon?