Nakatulong sa akin ng malaki ang tatlong sulat na natanggap ko mula sa aking mga kaibigan. Hindi nila alam na balisa ako noon dahil sa proyektong kailangan kong tapusin. Pinalakas nila ang aking loob kahit lingid sa kaalaman nila na may problema ako. Sinasabi nila sa sulat na naalala nila ako habang sila’y nananalangin. Ginamit sila ng Dios upang ipanalangin ako at ipadama ang Kanyang pagmamahal sa akin.
Alam ni apostol Pablo na malaki ang naitutulong ng panalangin. Sinabi niya sa mga taga Corinto na umaasa siya na patuloy silang ililigtas ng Dios mula sa kapahamakan sa tulong ng kanilang panalangin (2 CORINTO 1:10-11). Marami ang magpapasalamat at magpupuri sa Dios dahil sa Kanyang pagtugon “bilang sagot sa mga panalangin ng marami” (TAL. 11).
Ayon sa manunulat na si Oswald Chambers, ang pananalangin daw para sa iba na tulad ng ginawa ng mga kaibigan ko at ng mga taga Corinto ay isang gawain na nagbubunga at nakakapagbigay ng kaluwalhatian sa Dios. Kung patuloy na nakatuon ang puso’t isip natin kay Jesus, huhubugin Niya tayo upang lalong tumibay ang ating pananampalataya at tuturuan Niya tayo kung paano manalangin. Tutulungan tayo ng Panginoong Jesus sa ating pananalangin para sa mga kaibigan, kamag-anak at maging sa mga hindi natin kilala.
May tao ba na sa tingin mo ay nais ng Dios na ipananalangin mo?