Sabik na ang kaibigan ko na muling magsama-sama sa kanilang bahay ang kanyang mga kamag-anak at kaibigan para sa isang okasyon. Sabik naman ang bawat isa na magdala ng kani-kanilang kontribusyon tulad ng iba’t ibang klase ng pagkain. May isa naman sa kanila na hindi kayang magdala ng pagkain dahil kapos siya sa pera. Kaya naman, inalok niya na siya na lang ang maglilinis ng bahay.
Maluwag naman siyang tatanggapin doon kahit wala siyang dala. Gayon pa man, nagpasya siya na ibigay kung ano ang kaya niyang ibigay, ang kanyang oras at serbisyo. At ginawa niya iyon ng taos sa kanyang puso.
Ganoon ang nais iparating ni Pablo sa 2 Corinto 8. Masigasig ang mga taga Corinto na tulungan ang mga kapwa nila nagtitiwala kay Jesus at hinikayat sila ni Pablo na patuloy na magbigay. Pinuri ni Pablo ang pagnanais nilang magbigay at sinabi niya na ang pagbibigay nila na bukal sa loob ang dahilan para tanggapin ito ng Dios. Tatanggapin ng Dios ang anumang ibinigay nila nang kusa at ayon sa kaya nila (TAL. 12).
Madalas ay ikinukumpara natin ang mga ibinibigay natin sa ibinibigay ng iba lalo na kung hindi natin kayang magbigay nang malaki kahit gustuhin man natin ito. Ngunit para sa Dios, ang hangarin nating magbigay ang higit na ninanais at mas mahalaga para sa Kanya.